|
|
| |
| |
|
Author: Rony
Age: 21
Sign: Virgo
Loc.: Manila, PH
Email
|
| |
|
| |
|
| Note: To link with me, post on the SHOUTBOX. |
| |
|
© 2005 RONY. SOME RIGHTS
RESERVED.
|
 |
June 18, 2005
Sa Mga Pakpak ni Ikaro
Ngayon ko lang naisip na malungkot pala ako.
Mahirap pala ang mag-isa. Mahirap ang umuwi sa iyong bahay araw-araw na sa t'wing bubuksan mo ang pintuan ay wala kang dadatnang taong naghihintay sa 'yo. Nakakalungkot ang katahimikan sa bawat sulok ng silid. Nakakalungkot ang pag-iisa. Minsan ay inisip ko na may takot ako sa pag-iisa, pero hindi pala gano'n. Kundi, takot ako sa kalungkutang dulot ng pag-iisa.
Mahirap pala ang magbura ng kalawang. Hindi pala ako kasing-husay ng nanay ni Tolits. Puti na kasi ang uniporme kong pantalon sa kursong medisina na kinalawang sa sampayan. Bagong-bago pa naman ito. Siguro kung nandirito 'siya' ay tutulungan niya akong kuskusin ito, gaya ng ginawa niyang pagbura sa mga mantsa at kalawang na iniwan ng nakaraan ko. Minsan ay nabanggit ko sa kanya na pangarap ko ang makapagsuot ng puting uniporme. Sayang, wala na siya upang makita akong unti-unting tinutupad ang mga pangarap na binuo namin noon.
Mahirap pala makipag-usap sa hangin. Siya'y makikinig subalit hindi naman sasagot sa iyo. Minsan ay naging kaibigan ko si Habagat. Bawat araw na hindi ko siya kapiling ay ibinulong ko sa hangin na siya'y mahal ko, at sa gabi inisip ko na yakap niya ako. Ginawa ko ito hanggang sa makalimot na ako, at magising ako sa katotohanang hangin lamang ang sa ki'y humahaplos.
Mahirap pala ang mabasa sa ulan. Hindi na ito tulad noong minsang tumatakbo ako sa gitna ng bagyo habang hawak ang kamay niya. Ngayon ay mag-isa akong lulusong sa baha, at walang makakapansin na maalat ang tubig sa aking pisngi. Walang yayakap sa akin ng mahigpit upang maibsan ang ginaw na dulot ng malamig na hangin, at pawiin ang silab ng aking damdamin.
Mahirap pala ang lumipad. Minsan ay ginawa ko ito, suot ang mga pakpak mula sa mga balahibo ng lawin na pinagdikit-dikit niya upang buhatin ako paitaas sa himpapawid. Lumipad ako hanggang sa abot-kamay ko na ang langit, hanggang sa tunawin na ng init ng araw ang gawgaw na nagdidikit sa mga balahibo ng aking mga pakpak. Nahulog ako at noon ay natakot nang lumipad pang muli. Masakit tanggapin na wala na akong lakas ng loob upang muling lumipad, sa kabila ng mga bagong pakpak na ito na hiram kay Ikaro.
Mahirap ang lumipad sa gitna ng ulan, sa gitna ng malakas na hanging Habagat. Mahirap lumipad gamit ang mga pakpak na kinakalawang na. Mahirap lumipad nang nag-iisa.
Ngayon ko lang naisip na malungkot pala ako.
WRITTEN BY RONY AT
12:43 PM |
|
|
|
|