SILENT LUCIDITY

RECENT POSTS
 
RECENT POSTS
 
  PROFILE

Author: Rony
Age: 21
Sign: Virgo Loc.: Manila, PH

Email

 
MONTHLY ARCHIVES
 
SHOUTBOX
 
PARTNER SITES
 
Note: To link with me, post on the SHOUTBOX.
 

Creative Commons License   top blogs
© 2005 RONY. SOME RIGHTS RESERVED.
CONTENT

May 25, 2005

Pahayag

Prologue
Siguro nga kailangan nang mapansin ko ang mga signos ng panahon.

I
Kahapon ng umaga gumising ako na may katabing lalaking hindi ko kilala. Ikalawang ulit ko pa lang sya nakita. Hindi ko alam kung ano ang dahilan at pinili ko na makasama sya. Siguro, takot lang talaga 'ko mag-isa. O siguro, ayoko lang maisip ang pagkainis ko sa isang taong akala ko'y kaibigan ko na. Inis na inis ako sa kanya at ayoko na siya maisip. Kailangan ko ng mapagbabalingan ng atensyon ko.

II
Noong dapit hapon na pumunta ako ng paaralan para makuha ang diploma ko. Halos sumigaw ako sa pakikipagtalo sa sekretarya ng dean kung bakit hindi pa niya nai-susumite ang mga grado ko sa registrar. Ang lakas ng loob ko. Kailangan ko kasi 'yon para makapag-enrol ng medisina.

III
Kagabi na-holdap ako sa daan pauwi. Minura ko muna ang holdaper bago ko iniabot ang cellphone ko. Sanay na ako sa ganon. Alam kong 'yon lang ang habol nila at wala ako magiging problema kung ibibigay ko agad ang gusto nila. Kaya sa mga sandaling iyon na may nakatutok na kutsilyo sa kin ay wala akong naramdaman kahit kaunting kaba. Tinaasan ko pa siya ng kilay. At bago pa siya matapos sa kasasatsat na sasaksakin daw niya ako ay sumabat na ako, "Oo na! Oo na! Ibibigay ko na P.I.M.!" Ganun lang. Madali naman akong kausap.

IV
Pag-uwi ko sa dormitoryo ay parang gusto ko umiyak dahil ang sabi ng tatay ko sa telepono ay hindi siya naniniwala sa kwento ko kung paano ako naholdap. Siguradong gumala na naman daw ako kung saan-saan (alam kong ang ibig niyang sabihin ay 'lumandi' na naman ako kung saan-saan) kaya nangyari sa kin 'yon. Pinauwi niya agad ako sa probinsya.

V
Kanina habang nakasakay ako sa bus ay gusto kong sigawan ang mga tao sa paligid ko. Itong katabi kong lalaki na tulug-tulugan ay ilang ulit nang sumandal sa balikat ko. Ang kapal ng mukha niya. Gusto ko siyang itulak nang mahulog siya sa upuan. Dito naman sa likuran ko may lalaking gawa ng gawa ng ingay, "Tsk tsk tsk tsk tsk tsk..." Paulit-ulit niya yung ginagawa. Sobrang lakas. Sobrang nakakairita. Susumpa ako na dinig na dinig 'yon ng lahat ng tao sa loob ng bus sa sobrang lakas. Sa pagkakaintindi ko ay ayaw gumana ng i-Pod niya, kaya siya nag-iingay ng ganon. Ayaw nitong gumana o gusto lang niyang mapansin ng mga tao na may i-Pod siya. Nakakainis talaga. "Tsk tsk tsk tsk tsk tsk tsk tsk tsk..." Walang tigil. Siguro dalawampung beses na niya ginagawa 'yon at hindi na ako nakapag-pigil. Kaya sa pagkainis ko ay sinabayan ko siya. "Tsk tsk tsk tsk tsk tsk tsk..." Nilakasan ko talaga yon. Siniguro ko na maririnig niya. Mabuti naman huminto siya. Napahiya siguro. Buti nga. Pero itong katabi ko, sandal pa rin ng sandal sa kin. Hay*p na 'to. Sabayan pa nitong babae sa harapan ko na inaagawan ako ng kurtina kaya ang araw nakatutok na sa kin. At ang sandalan niya isinagad niya sa pagkakababa na halos sumayad na sa mukha ko. Sh*t. Sh*t talaga. Pikon na pikon na ko. Sasabog na ang tenga ko. Parang nananadya ang mga taong 'to. Ano ba 'to? Practical joke? Sa totoo lang wala akong panahon para sa mga ganyan dahil kahapon pa mainit ang ulo ko, o noong isang araw pa. Pero hindi sila nagbibiro. Talaga lang siguro na may mga tao sa mundo na likas nang nakakainis. At malas ko lang, sa araw na 'to tatlo silang sabay-sabay dumating para sirain ang araw ko.

VI
Pagdating ko ng bahay inaasahan ko na ang sermon ng tatay at nanay ko. Hindi na lang ako nagsalita. Hindi na ako nangatwiran pa. Tinanggap ko ang lahat ng sinabi nila. Okey lang, sanay na ako. Pero nagulat ako. Sinabi ng tatay ko na alam nila ng nanay ang tungkol sa 'min ni Ronilo, at lahat ng mga 'kaibigan' kong 'outsiders'. Alam din daw nila ang mga ginagawa kong 'pag-gala' kung saan-saan; sa U.P., sa Cubao, sa Malate, etc. etc. Ang hindi ko pag-uwi sa dormitoryo. Ang pagdalaw sa kin ng kung sino-sino. Ang pagtulog ko sa iba't-ibang bahay. Langya! Ano ba 'to? Nagpapadala ba kayo ng espiya sa 'kin sa Maynila para manmanan lahat ng ikinikilos ko? Sino ba talaga kayo? Sina Mr. & Mrs. Smith?!

VII
Bago ako humiga sa kama napilitan akong mangako sa tatay ko na mula ngayon ay hindi na ako makikipag-kita o makikipag-kaibigan sa mga estrangherong makikilala ko kung saan-saan; sa mall, sa internet, sa ibang school, sa banyo, sa kalye... Wala akong gagawin sa susunod na apat na taon kundi mag-aral, ang itutok bawat segundo sa pagbabasa ng mga libro ng medisina hanggang mabaliw na ako. Pagkatapos ng klase ko ay deretso akong uuwi sa dormitoryo. Hindi ako lalabas. Walang gimik, walang gudtaym, walang pakikipagkaibigan, walang pakikipaglandian, walang social life, walang love life, walang sex life. Aaaahhhh... Siguro, sa mga katulad ko, talaga lang na mahirap makuha ang tiwala at pagtanggap ng mga magulang.

Epilogue
May isang taong nagsabi sa kin noon na ang lahat ng mga pagyayaring katulad nito ay mga pahayag. Saan ba ito patungo? Ano ang ibig sabihin ng lahat ng pahayag na ito?

WRITTEN BY RONY AT 4:13 PM | 
 
Back to Top