SILENT LUCIDITY

RECENT POSTS
 
RECENT POSTS
 
  PROFILE

Author: Rony
Age: 21
Sign: Virgo Loc.: Manila, PH

Email

 
MONTHLY ARCHIVES
 
SHOUTBOX
 
PARTNER SITES
 
Note: To link with me, post on the SHOUTBOX.
 

Creative Commons License   top blogs
© 2005 RONY. SOME RIGHTS RESERVED.
CONTENT

January 31, 2005

Yakap

Sa yakap mo'y naging maligaya
Ang pusong minsan na'y nangulila
Sana'y wala nang ibang hanapin
Sana'y wala nang ibang damhin
Kundi ang yakap mo.

WRITTEN BY RONY AT 9:05 AM | 
 

January 30, 2005

Muli

Paano ko ito nagawa... ang magmahal ng paulit-ulit... ang magmahal na higit sa isang tao lang? Kung tunay ngang sagrado at tapat ang pagmamahal, hindi ba't dapat ay minsan lang ito maganap sa buhay ko?

Maraming pagkakataon na akong nagmahal. Sa lahat ng relasyong pinagdaanan ko'y tatlong libong lalaki na ang minahal ko. Subalit iisa lamang ang ginantihan ako ng pagmamahal din. Siya ang huli kong relasyon, at sana nga'y huli ko nang mamahalin.

Kung tutuusin ay napakaswerte ko na minahal niya ako. Minahal niya ako kahit ang pangit ko... Kahit na ang pangit pangit ko. Napakaligaya ko ng araw na yon. Ang sabi ko, tapos na ang paglalakbay ko.

Panno ko ito nagawa... ang magmahal ng paulit-ulit... ang magmahal na higit sa isang tao lang?

Sa araw na ito ay nakilala ko ang ika-tatlong libo't isang lalaking sana'y mamahalin ko. Subalit pinipigilan ko ito. Nararapat na pigilan ko ito.

Ayoko nang magmahal pa... ayoko nang magmahal pa ng iba. Hindi maaari na sa lahat ng pagkakataon ay susundin ko ang sinasabi ng puso ko. Papatayin ko ang lahat ng pagmamahal sa loob nito, maliban ang pagmamahal ko para sa iisang taong nagmamahal sa kin ng lubusan.

Paano ko ito nagawa... ang magmahal ng paulit-ulit... ang magmahal na higit sa isang tao lang? Paano kung isang araw ay may makilala akong bago at mahalin na namang muli? Ganoon ba talaga ang pagmamahal? Hindi ba't kung tunay na sagrado at tapat ito, ito'y isang beses lang dapat maganap sa buhay ko?

Siguro'y naiintindihan ko na ang ibig nilang sabihin, sa tatlong libong pagkakataong sinabi sa akin, "may iba na kong mahal. Hindi ko 'to sinadyang mangyari. Basta nangyari na lang. Patawad."

Ayoko nang maglakbay muli... Pagod na ako maglakad. Ayoko nang saktan ang sarili ko, at ang taong minamahal ko.

May karapatan ba ako na maramdaman ang lahat ng ito?

WRITTEN BY RONY AT 10:52 AM | 
 

January 28, 2005

Ronilo's Hands

Mahal, alam mo bang gustong gusto ko ang mga kamay mo? Kapag hawak ko ang mga ito, parang ang lakas lakas ko. Parang ang lahat ay kaya kong gawin. Kahit ngayong wala ka, parang hawak mo pa din ako. Sana, hawakan mo akong muli, at hindi na muling bitiwan.

WRITTEN BY RONY AT 10:43 AM | 
 

January 27, 2005

Liham Kay James

Mahal kong James,

Gusto kong simulan ang liham na ito sa pagsabing masaya ako na nakilala kita. Kagabi, habang nakatayo ako sa harap ng abandonadong bahay ay natanaw ko ang iyong aninag na kumakaway sa akin. Sa aking paglapit ay nasilayan ko ang maganda mong mukha, ang malalim mong mga mata, ang iyong buhok na tila may sariling isip na gusto'y nakatindig lamang palagi, at ang mga bakal sa likod ng iyong mga labi na lalo lamang nagpaganda sa iyong mga ngiti.

Pinatuloy mo ako sa iyong silid. Simple subalit naging payapa ang aking pakiramdam habang nakasandal ako sa gilid ng iyong higaan. Ikaw nama'y nakahiga habang nakalingon sa telebisyon ang iyong mukha. Aaaayy... ang iyong mukha. Higit minsa'y sinusulyapan ko ito habang bahagyang nadadampian ng liwanag mula sa telebisyon.

Dahil ako'y inunahan ng hiya at kaba ay hindi ko nalaman kung ano ang sasabihin o gagawin. "Ilang taon ka na?" Lumingon muna ako sa 'yo at bumuntong hininga bago sinagot ang iyong tanong, "beinte." "Ang bata mo pa pala." Nakatitig ako sa telebisyon, kahit na ang katotohanan ay lumilipad ang aking isip dahil sa pag-aalinlangan sa kung anong maaaring susunod mong sasabihin. "May minamahal ka ba ngayon?" Doon ay hindi ako sumagot at ngiti lamang ang ibinigay ko sa iyo. "Masakit magmahal." Sa sandaling yon ay nadama ko ang kalungkutan mo na pilit mong itinatago sa iyong mga tawa at ngiti. Hindi ko na alintana ang iba't ibang larawan sa aking harapan. Ako'y nakikinig sa isang kaluluwang naghahanap ng kaibigang tutulong pumasan sa bigat na kanyang dinadala. "May minahal ako noon. Ang una at huli kong pagmamahal. Sinaktan niya ako..."

Habang naririnig ko ang maganda subalit malungkot mong tinig ay tila nakikinig ako sa aking sariling kwento--ikaw ay may nakilala, minahal ito at pinaluha nito...nang malaman mong mayroon siyang iba. Parang isang nobelang ilang libong beses ko na nabasa. Parang isang karanasang ilang libong beses ko na napagdaanan. At marahil, pinagdadaanan pa ng ilang libong katulad natin. Pero sa gabing iyon ay nakinig ako sa 'yo, na parang 'yon ay isang bagong katha. Hiniling mo na ibahagi ko rin ang aking kwento. Subalit tumanggi ako. Hindi dahil hindi ko gusto, kundi dahil ang gabing ito'y inilaan ko na para sa 'yo. Sa gabing ito'y naghahanap ka ng kausap, at ako'y naroon upang makinig.

Ilang sandali pa at kapwa natin napagpasyahan na mamahinga na. "Dito ka na sa kama, diyan ako sa ibaba. Baka kasi hindi ka mahimbing sa tabi ko." Buong magdamag ay hindi nga ako nahimbing. Nakahihiya para sa akin ang matulog sa malambot na higaan, habang ikaw ay hinayaan ko sa malamig na sahig. Subalit nakahihiya din na pilitin kang humimbing sa aking tabi. Ang gabing iyon ay puno ng palaisipan at lamig.

"Magandang umaga." Sa wakas ay gising ka na. Matagal na rin akong naghihintay at nakatingin sa iyong mukhang nananaginip mula pa lamang sa unang paghalik ng haring araw sa iyong pisngi. Ilang sandali pa'y nakahanda na ang almusal na binili mo sa tindahan sa labas, kasama pa ang mainit na tsokolate na ginawa mo para sa 'kin dahil ang sabi ko'y hindi ko gusto ng kape. Tinanong mo ako kung ako'y nahimbing. "Malamig ang gabi," ang sagot ko. "Oo, malamig ang gabi. Pero hindi ko isinara ang bintana dahil iniisip kita. Akala ko kasi, naiiinitan ka. Pasensya na."

Nakangiti ako habang hinihigop ang tasa ng tsokolate. Parang napakasarap no'n. Parang napakasarap isipin na ako'y naroon at inalagaan mo na parang isang mahalagang panauhin. Parang napakasarap na mahalin mo. Siguro sa isang saglit ay naisip ko na sana'y noon pa ako napadaan sa abandonadong bahay, nakilala ka at naging kaibigan mo. At siguro, siguro lang, higit pa doon.

Nakahanda na ako sa aking pag-uwi. Sa paghatid mo sa akin pabalik sa abandonadong bahay ay ipinaalala mo ang pagdalaw sa aking tahanan. Salamat sa iyo, kaibigan. Hindi ko inakala na sa isang gabi'y makadarama ako ng ganitong ligaya at halaga mula sa isang taong kalianma'y hindi ko nakilala. Alam kong madaling naging palagay ang loob ko sa 'yo dahil iisa ang ating pinanggagalingan. Wag kang mag-alala. Sa susunod nating pagkikita, ako naman ang magbabahagi ng kwento ko.

Hanggang sa muli.

Nagmamahal,

Rony

WRITTEN BY RONY AT 1:20 AM | 
 
Back to Top