SILENT LUCIDITY

RECENT POSTS
 
RECENT POSTS
 
  PROFILE

Author: Rony
Age: 21
Sign: Virgo Loc.: Manila, PH

Email

 
MONTHLY ARCHIVES
 
SHOUTBOX
 
PARTNER SITES
 
Note: To link with me, post on the SHOUTBOX.
 

Creative Commons License   top blogs
© 2005 RONY. SOME RIGHTS RESERVED.
CONTENT

October 01, 2005

Sayaw, sa Saliw ng "Gone with the Wind"

"Ron, alam mong hindi kita pwedeng..." pinigil ko na ang iba pa niyang sasabihin nang angkinin kong muli ang kanyang labi. Malamig ito nang dumampi ang nagbabaga kong dila sa kanya. Naglaro, nag-away at tuluyan na kaming lumutang.

Galing ako kanina sa Robinson's Place sa Ermitta. Mayroon palang petshop doon. Paborito ko ang petshop. Naaaliw kasi ako sa mga aquarium doon. Minsan inaabot ako ng isang oras sa pagtitig lamang sa paglangoy ng nag-gagandahang mga isda. Pero kanina ay hindi ako nagtagal, sumaglit lamang ako. Nag-iisa lang kasi ako. Mas masayang pagmasdan ang mga isda kapag may kasama.

Hinubad namin at nawala ang aming mga damit sa gitna ng mga halik. Ang mga kamay ay kung saan-saan gumala. Inalam ang bawat sulok, bawat daan patungo sa sandaling kaligayahan. Dumaan ang dila mula sa labi, leeg, hanggang makarating, tumigil sa dibdib. Marahang kinagat, sinipsip, parang sanggol sa dibdib ng ina. Walang tigil, walang patid, hanggang sa tuluyan na siyang sumisid.

Naglibang muna ako sa arcade. Hindi ako naglaro. Pinagmasdan ko lamang ang mga naglalaro doon. Maraming alaala ang bumalik sa mga napagmasdan ko--ang joystick ng videogame, ang bola ng basketball, ang mikropono ng videoke, mga alaala ng kabataan, ng ka-inosentehan. Nakakatuwa ang umaawit ng sintonado. Gusto ko rin sanang sumunod sa kanya, subalit mag-isa lang ako. Mas masarap kumanta kapag may kasabay.

Marahan, mariing dumampi ang kanyang labi sa aking kalagitnaan, inangkin ako. Ibinaon, iniahon. Ang naririnig ko lang ay aking paghinga, pabulong na pagtawag ko sa kanyang pangalan. Patuloy ang pagbaon at pag-ahon. Walang awa, walang sawa. Napapikit ako at napakapit sa mga bisig niya na 'di ko nais pakawalan. Lumiyad ako sa kaligayang palapit na nang palapit, at tuluyan na akong lumipad.

Umupo ako sa coffee shop. Humigop ng paborito kong vanilla cream frappé. Hindi naman talaga ako umiinom ng kape. Gusto ko lang umupo at sumandal sa sofa habang hinihintay lumipas ang mga oras. Gusto ko ang 'ambiance' dito, ika nga. Nakaka-relax ang lamig, ang malambot na upuan, ang bahagyang liwanag, ang musika, ang bulungan ng mga tao, ang mga mukha ng mga tao, ang frappé. Pero 'di gaya ng dati, hindi ako nagtagal ng maraming oras dito. Umalis na rin ako nang maubos ang iniinom ko. Mas masarap magkape kapag may kausap.

"Marco, angkinin mo na ako ng tuluyan..." Iniangat niya ang dalawa kong hita, ipinatong sa kanyang mga balikat. Takot at pananabik ang magkahalo kong naramdaman habang marahan niyang ginagawa ang mga ito. Hanggang sa tuluyan na niyang inangkin ang buo kong pagkatao. Napasigaw ako sa hapdi. Napayakap. Pikit ang kanyang mga mata habang humihigop ng hangin mula sa kanyang labing gusto kong angkinin nang paulit-ulit. Iniahon, ibinaon. Napaungol ako sa magkahalong sakit at sarap na nadarama. Pabilis nang pabilis, hanggang sa mapakapit siya sa akin ng mahigpit habang paulit-ulit na sinasambit ang pangalan ko. At tuluyan na kaming naging isa.

Madilim na nang maisipan kong umuwi na. Nadaanan ko ang mga bar sa Nakpil na nagsisimula nang mapuno ng mga tao. May mga pamilyar na mukha, may mga bagong mukha, mga titig, mga ngiti, mga mapanuksong pagpapahiwatig. Sa isang saglit ay naisip ko na pumasok doon, pumagitna sa maraming taong hindi ko kilala, uminom, sumayaw, magwala at limutin ang daigdig. Subalit agad ding nagbago ang isip ko. Ayoko. Mas masarap makipag-sayaw sa taong mahal mo.

Tumigil ang pagyanig ng kama. Humiga siya sa aking dibdib at niyakap ako. Maligaya ako sa mga oras na 'yon, sa mga oras na parang siya'y akin lamang. Alam kong sa kanyang pagparito't pag-angkin sa ki'y libog lang ang kanyang pinanggagalingan. Subalit ibinigay ko ang lahat ng ito sa kanya hindi dahil sa libog, kundi dahil sa siya'y mahal ko. Sandali lang at nakabihis na siya, suot muli ang damit na hinubad ko lamang kanina. Parang kadarating lang din niya. Parang hindi lumipas ang oras. Parang walang naganap. At sa sandaling 'yon ay alam kong kahit subukan ko na muli siyang pigilan, alam kong darating na 'yon. Alam kong parating na 'yon. "Ron, alam mong hindi kita pwedeng mahalin." Ngiti lamang ang isinagot ko sa kanya. 'Yon na lamang rin ang naging pabaon ko, at tuluyan na siyang lumisan.

Humiga na ako sa kama, pagod, inaantok. Maraming bagay pa rin ang gusto kong gawin, subalit hindi ko kayang gawin nang mag-isa. Maraming oras ang gusto kong palipasin, palipasin sa piling niya. Ang dibdib ko'y punong-puno ng pagmamahal, pagmamahal na gusto kong ipadama sa kanya. Pero wala na siya. Sa mga oras na ito, kasayaw na niya ang taong minamahal niya.

Ikaw, gusto mo ba akong isayaw?

WRITTEN BY RONY AT 7:12 PM | 
 
Back to Top