|
|
| |
| |
|
Author: Rony
Age: 21
Sign: Virgo
Loc.: Manila, PH
Email
|
| |
|
| |
|
| Note: To link with me, post on the SHOUTBOX. |
| |
|
© 2005 RONY. SOME RIGHTS
RESERVED.
|
 |
August 29, 2005
Paint the Town Pink
"Wala akong nasabi at sa isang mahinay na unday, pinintahan ko ang mga luha niya ng pula. Naubos ang laman ng lata." -Jimmy Alcantara (Red ang luha ni Michael)
---------------
Black and white na naman ang buong paligid. Haayy...
Nagising ako ng maaga isang araw ng Linggo dahil sa kakulitan ng aking kapatid. Pinapahanap na naman sa akin ang libro niyang kulay blue daw na reviewer para sa board exam niya maya-maya lang. Ganito siya palagi. Natataranta sa 'last minute' ika nga. At kapag nangyayari yun ay kinukulit niya ako palagi para tulungan siya. Pero iba ang pakiramdam ko sa araw na ito. Malabo ang paningin ko. Hindi ko makita ang libro na kulay blue dahil tila black & white ang aking paligid. Hindi ko alam kung bakit.
"Ah! 'Eto lang pala!" Napabuntong-hininga siya nang makita na rin sa wakas ang hinahanap na libro. "Sige alis na 'ko. Sa taxi ko na lang 'to babasahin. Ipagdasal mo naman ako. Pakiramdam ko babagsak ako dahil hindi ako nakapaghanda ng mabuti." Humalik siya sa akin habang nangingilid ang luhang gustong tumulo sa kanyang mga mata. "Kaya mo yan, ate. Alam kong kaya mo yan."
Alam kong mahirap ang pinagdadaanan niya dahil iisa lamang ang aming kurso. Ang pinag-kaiba lang namin ay nakatapos na siya habang ako ay nasa unang taon pa lang. Pero alam ko ang hirap. Kaya umisip ako ng paraan upang pasayahin siya. Napangiti ako. May naisip na akong sorpresa para sa aking kapatid. Sobrang gulo ng silid ni ate. Parang dinaanan ng bagyo sa gulo. Aayusin ko ito. Ililigpit ko lahat ng mga gamit niya at iaayos sa bookshelf ang 'sang damakmak na mga libro na pinag-aralan niya sa nakaraang apat na buwan.
Napansin kong kumukupas na pala ang pabalat ng kanyang mga libro. Ang ilan dito'y halos napupunit na. Tsk tsk. Si ate talaga. Walang kaingat-ingat sa mga gamit niya. Ako pa naman ang magmamana ng mga librong ito pagtungtong ko sa mga susunod na taon. Aayusin ko ito. Aalisin ko ang naluma nang plastic cover at pipintahan ng bagong kulay ang kumukupas nang pabalat bago balutin uli ng bagong plastic. Ano kayang kulay ang gagamitin ko? Boring ang blue at nakakaantok naman ang green. Pink! Tama, Hot Pink! Paborito ko ang Pink, may landi. Siguradong magugustuhan din niya.
Sa isang bookstore sa Dapitan ay bumili ako ng malaking lata ng Hot Pink Paint. 'Di ko alam kung pwede 'yun sa papel, basta kinuha ko na lang. May kasama na rin itong brush na sa tingin ko'y tamang-tama lang ang laki para ma-kontrol ko ang pagpahid.
Pagbalik ko sa bahay ay binanatan ko na ang mga libro ni ate. Inalis ko ang lumang plastic cover nito. Binuksan ko ang lata ng pintura at hinalo ayon sa direksyon. At sinimulan ko na ang pagpinta.
Ang ganda ng kinalabasan! Perfect. Bagay na bagay ang kulay. Siguradong mas ma-e-engganyo na si ate na basahin ang mga librong ito, at ako din pagdating ng araw na ibigay na niya sa akin ang mga ito. Habang hinihintay kong matuyo ang mga libro ay napansin kong black and white pa rin pala ang paningin ko at tanging ang mga pinintahan kong libro ang nakikitaan ko ng kulay. Napansin ko tuloy na dry pala ang kwarto ni ate. Walang dating. Sinimulan kong pasadahan ang study table. Kaya lang nasagi ko ang study lamp niya, itinuloy ko na rin ang pagpinta dito. Natuluan pala ang sahig, napagpasyahan ko na imbis na burahin ang mga polka dots sa tiles ay ituloy ko na rin na pintahan ang mga ito.
Naa-addict na ako sa ginagawa ko. Kaya nang makita ko ang que sa me, di ako nakapagpigil. Pinintahan ko na rin ito para match sa sahig. Kaya lang hindi siguro magandang tingnan na Pink ang que sa me at sahig habang ang pader ay hindi, kaya pinintahan ko na rin ito.
Pagkatapos ng pader ay napagod na ako, gusto kong humiga sa kama. Kaya lang hindi ko agad napansin na natuluan pala ng pintura ang kama habang pinipintahan ko ang que sa me, at ganun din ang iba pang mga gamit sa silid. Kaya sinimulan kong pintahan ang mga ito. Ang ganda ng pagkapit ng kulay sa kobre kama at pillow case, siguro'y dahil sa kalidad ng pintura. Pinasadahan ko na rin ang natuluang lamp shade, ang TV, ang mga scented candles, ang flower vase at ang mga plastic na bulaklak--tila naging pink roses ang mga ito.
Habang pinapasadahan ko ang mga plastic na bulaklak ay nahulog ang brush sa sapatos na de goma ni ate. Itinuloy ko na rin ang pagpinta dito. At pagkatapos ng konting pahiran sa kanyang leather bag ay binuksan ko ang bintana upang pumasok ang hangin at matuyo ang mga pinintahan ko. Sa pagbukas ko nito ay bumungad sa akin ang walang kulay na hardin. Hindi ako nakatiis kaya't lumabas ako at pinintahan ang mga paso, ang mga tinik ng cactus, ang mga dahon ng orchids at ginawa kong Pink ang lahat ng bulaklak ng gumamela.
Nababakbak na rin pala ang pintura ng gate namin, kaya't pinasadahan ko rin ito at nagmistulang doll house ang aming bahay. Natuwa ako.
Natanaw ko sa kabilang bahay si Ms. Tisay. Namumutla na sa dami siguro ng pinoproblema sa eskwela o sa boyfriend niyang playboy. Pumunta ako sa kanila bitbit pa din ang pintura, at tinuldukan ko ang kanyang mga pisngi para magkaroon naman siya ng buhay at hindi magmukhang anemic. "Ganyan nga Ms. Tisay, ngumiti ka lang," sabi ko sa kanya bago ako nagpaalam at umalis na.
Naalala ko na Linggo pala noon, kaya't dumaan muna ako sa simbahan ng UST para magdasal. Mayroon palang ikinakasal noong mga oras na 'yon. Naalala ko kung gaano kaganda ang kapit ng pintura sa tela ng kobre kama at mga punda ng unan ni ate, kaya't sinimulan kong pintahan ng Pink ang puting gown ng bride, pati na ang coat ng groom. Ang cute nilang tingnan! Natuwa ako at sinimulan kong pasadahan ang puting damit ng pari, pati na ng mga sakristan at mga madre. Pinintahan ko na rin isa-isa ang mga ostsa, ang mga damit ng mga santo, at ang mga upuan habang ako'y palabas ng simbahan.
Sa di kalayuan ay natanaw ko ang ospital na pinagsanayan ko bilang Med Tech nitong nakaraang taon, at naisip kong dalawin ito. Dinaanan ko ang mga ward, at pinintahan ko ang uniporme ng mga nurse, pati na ng mga doktor. Pinintahan ko din ang mga sugat ng mga pasyente, at ang mga luha ng kanilang mga minamahal na nagbabantay sa kanila.
Tutal narumihan na ang kamay ko at may sa kalahati pa ang laman ng lata, nag-isip ako ng puwede pang mapintahan. Naglakad-lakad ako palabas sa P. Noval hanggang makarating sa Morayta. Pinintahan ko ang overpass, at ginawang Pink ang mga latang hawak ng mga nanlilimos doon. Pinintahan ko ang mga nakaparadang taxi at jeepney, ang mga stalls kasama ang mga tinda dito at ang mga tindera na rin, ang blackboard ng mga eskwelahan na ngayon ay "pinkboard" na at ang mga chalk na gamit ng mga guro sa pagtuturo. Kinulayan ko din ang mga mata ng mga bulag na nanghaharana sa kanto, pati na ang mga nagkalat na pirated VCD sa bangketa. Nakarating ako sa Mendiola, at nadatnan ang mga nagra-rally doon. Pinintahan ko ang mga hawak nilang karatula, pati ang mga baril ng mga pulis at sundalo doon. Tinitigan ko ang Malacañang, at nasiyahan ako nang makita kong bagay pala ang Pink na gate dito. Naisip ko rin na siguro'y babagay kung pipintahan ko ng Pink ang nunal ni PGMA.
Gumagabi na at ako'y pagod na pagod na. Naisip ko, "Ayoko na, tama na." Pinintahan ko na ang lahat ng kaya kong pintahan at ako'y pagod na. Gusto ko pa sanang pintahan ang mga bakal na rehas sa Munti, ang mga basura sa smokey mountain, pati na ang dila ni Kris Aquino. Gusto ko gawing Pink ang White House sa Amerika, ang mga bomba at missile sa Iraq, at lalong higit ang mga kinakalawang nang mga pakpak ni Ikaro sa Athens. Gusto kong pintahan ng Pink ang buong mundo. Subalit mayroon lamang akong isang lata ng pintura. Siguro bukas ay bibili ako ng mas marami pa, at pipintahan ko ang iba pa.
Naalala ko si ate. Nasasabik na akong makauwi at makita ang ngiti sa kanyang mukha kapag nakita na niya ang bagong kulay ng kanyang silid. Kaunti na lang pala ang natirang pintura. Naisip ko, "ako naman." Binuksan ko ang aking dibdib at pinintahan ng Pink ang aking puso, at naubos na ang laman ng lata.
Ngayon ay alam ko na, nararamdaman ko... Na gaya ng lahat ng pinintahan ko sa araw na ito, handa na uli ako upang magmahal.
At least hindi na kulay black and white ang paligid.
WRITTEN BY RONY AT
8:42 AM |
|
|
|
|